Friday, October 7, 2016

Marian Dove, Fly!

,
Marian Dove, Fly!”

“Hindi nagtagal at si Maria’y nagmamadaling pumunta
sa isang bayan sa kaburulan ng Juda.
Pagdating sa bahay ni Zacarias,
binati niya si Elisabet…
Napuspos ng Espiritu Santo si Elisabet,
at buong galak na sinabi,
‘Pinagpala ka sa mga babae,
at pinagpala rin ang dinadala mo sa iyong sinapupunan!
Sino ako upang dalawin ng ina ng aking Panginoon…
Mapalad ka sapagkat nanalig kang matutupad
ang ipinasasabi sa iyo ng Panginoon!’” (Lucas 1: 39-45).

Sight-seeing o pagninilay…
Vacacion grande o spiritual repose…
Gimmick o pagdiriwang…

Pagsasarili o pag-iisa…
Unahan o ugnayan…
Pagtatanghal o pagbabahagi…

Pagtalikod o pag-aalaala…
Turista o pilgrim…

Ano ang pagkakaiba?

Turista… dala ay kamera…
Pilgrim… dala ay Pananampalataya.

Turista… dala ay kamera para kumuha ng ala-ala
Pilgrim… dala ay Pananampalataya.
upang mag-iwan ng ala-ala.

Kaya’t ang “sight-seeing” -
ang paghanga sa kagandahan ng sangnilikha
ay nagwawakas sa pagninilay
sa kabutihan at kagandahan ng Dakilang Lumikha;

Ang bakasyonista ay nagiging isang manlalakbay
na naghahanap ng kapahingahan
para sa pagal na katawan at kaluluwa;
Ang inaakalang isang “gimmick” lamang
ay naging isang masayang pagdiriwang ng buhay.

Ang pag-iisa ay hindi pagsasarili
kundi pag-akap sa katahimikan
upang itaas ang puso at isipan sa Panginoon
na magdadala sa isang mas malalim na ugnayan
sa Kanya at sa isa’t-isa;

At anumang kabutihan ang aking gagawin,
ito’y hindi isang pagtatanghal
kundi isang pagbabahagi
ng anumang biyayang sa aki’y ipinagkaloob.

Ang pilgrim ay hindi tumatalikod sa nakaraan,
manapa’y inaalaala ang lumipas
upang gawing ganap ang kasalukuyan
at puno ng pag-asang hinihintay ang isang bagong bukas.

Ito ang “Marian Dove ,Fly”…
Isang Lakbay-dalangin.

Kasama ni Maria,
Ako ay Pilgrim… Ikaw ay Pilgrim…
Siya ay Pilgrim… Tayo’y mga Pilgrim!!!

Oo, mga Manlalakbay…
Manlalakbay na nananalangin…
na naghahanap kay Hesus!
Manlalakbay na nagdadala kay Hesus sa kapwa,
at ng handog niyang Kapayapaan!

Marian Dove ,Fly”…
Buhay at nagbibigay-buhay
na Pananampalataya… Pag-asa… Pag-ibig!

“Marian Dove ,Fly”…
Pagtanaw sa Kaharian ng Ama,
ang “Walang hanggang Kaharian ng Kapayapaan”
na inihanda ni Hesus para sa atin.

Sa ating “Marian Dove ,Fly”, dadalhin tayo
ng Mahal na Birhen ng EDSA, Reyna ng Kapayapaan,
unang-una, kay Hesus, The Marian Dove,
na isa ring Manlalakbay!

Sa kanyang lakbay-dalangin
dala niya ang Kaharian ng Ama.
Sa kanyang pagbabalik sa Ama siya ay nag-iwan ng alaala –
ang Banal na Eukaristiya
alaala ng kanyang pananahan sa piling natin.

Ito ang kanyang habilin sa atin:
“Gawin ninyo ito sa pag-aalaala sa akin”.

Pag-aalaala na nagpapatibay ng Pananampalataya.
Pag-aalaala na nagbibigay ng Pag-asa.
Pag-aalaala na nagtuturo at nag-aakay sa atin
sa kaganapan ng Pag-ibig.

Sa ating “Marian Dove ,Fly”, dadalhin tayo
sa iba’t-ibang Parokya ng Arkidiyosesis ng Maynila
at mga Diyosesis at Arkidiyosesis ng bansa.

Nawa’y makita at maiwan natin sa puso at ala-ala
ng mga taong ating makaka-ugnay

  • Ang Marian Dove,
si Hesus, Prinsipe ng Kapayapaan;

  • Ang Marian Dove,
si Hesus, ang Diyos na nasa ating piling –
sa kagandahan ng kanyang mga likha,
sa yaman ng ating kasaysayan at kultura,
sa taong nilikhang kawangis at kalarawan Niya.

  • Ang Marian Dove,
matibay na Pananampalataya,
buhay na Pag- asa
at wagas Pag-ibig;

  • Ang Marian Dove,
ang Kapayapaan na nakapananahan lamang
sa puso ng mga aba, mga dukha, mga bata,
at sa mga taong may pusong tulad nang sa bata.

  • Ang Marian Dove,
ang pamimintuho kay Maria, Reyna ng Kapayapan
at pagpapalaganap ng Panalangin Para Sa Kapayapaan.



Maligayang Paglalakbay Sa Inyong Lahat!!!



By: Rev. Fr. Lari Abaco
Share:

0 comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.

Sitemap