Saturday, August 8, 2015

Paglalakbay - Fr. Lari's Installation as New Rector of EDSA Shrine

,
Paglalakbay
(Mula PANDACAN Patungong EDSA)

Magandang gabi po sa inyong lahat!

Pahintulutan ninyo akong magpahayag na aking damdamin
    na pinagsumikapan kong itago
        hanggang sa ako ay umalis ng Pandacan.

Pandacan, ang hirap mong iwan…

    ikaw na naging tahanan ko
        sa nakalipas na sampung (10) taon
            at dalawang (2) buwan;

    ikaw na aking naging simbahan…
        ang lakas ko at kanlungan;

    ikaw na naging munting Nazareth
        na nagpanatili sa Batang-Diyos sa aking piling.

Pandacan, ang hirap mong iwan…

    ang iyong buhay na payak,
        ngunit kailanman ay di naging salat,
    dulot ng iyong matatag at matibay
        na pananampalataya.

Pandacan, kay hirap mong iwan…

    ang iyong mga batang naglalaro
        sa tabi ng kalsada, sa ilalim ng tulay, sa tabi ng riles,
            sa patio ng simbahan, sa loob ng mga tahanan,
    na ang tawanan at kasiyahan sa kabila ng karukhaan
        ay nag-aanyaya  na akapin ang isang buhay na pag-asa
        na di naduduwag na harapin ang isang bagong hamon…
            ang isang bagong bukas.

Pandacan, ang hirap momg iwan…

    ang iyong dalawampu’t-siyam(29) na barangay
        na naging luklukan
            ng mga Mumunting Kristiyanong Pamayanan,
        naging daan upang ang Batang-Diyos
            ay makaakyat sa bawat tahanan,
        at naging saksi
            sa masiglang mga pagdiriwang ng buhay.

Pandacan, ang hirap mong iwan…

    ang iyong mga nobena, mga prusisyon,
        masiglang pagpadiriwang ng Banal na Misa;

    ang iyong mga dalaw at lakbay dalangin,
        ang iyong buling-buling, ang iyong pistahan;

    ang iyong 300 taong pananatili bilang simbahan,
        pagpapahayag ng tunay na Pananampalataya,
        buhay na Pag-asa at tapat na Pag-ibig.

Pandacan, ang hirap mong iwan…

    Ngunit ang iwan ka, ay kailangan!!!

    Ang buhay ay isang paglalakbay…
        hindi ito dapat mabalam.

    Ang mabuting balita ng kaligtasan,
        sa lahat, dapat maipaalam!!!

EDSA, narito ako ngayon sa iyong Dambana.

    Sa iyong atas, handang tumalima
        bagamat may konting takot at pangamba.

    Ano ang gusto mong, sa akin, ay ipahayag?
        Ano ang gusto mong, sa akin, ay ipaalam?

    Ang Batang-Diyos ng Pandacan, ngayo’y malaki na!
        Sa Nazareth, ang tagong buhay,
            ang nagpayaman sa kanya.
    “At ang bata’y lumaking malusog, matalino,
        at kalugud-lugod sa Diyos”.

EDSA SHRINE… ILOG JORDAN!!!

    San Juan Bautista,
        ang Tagapagbinyag ay naroroon;
    ang masaganang tubig-pambinyag
        ay naghihintay;

    “Dumating na ang takdang panahon” –
        Ang natatagong yaman ng Nazareth
            ngayon ay ihahayag.
        Siya ang “minamahal na Anak ng Ama,
            na lubos niyang kinalulugdan”.

Sa EDSA, tulad sa Ilog Jordan
   
    ipinahahayag ang mapagmahal at nananatiling 
        Presensya ng Diyos –
            ang Banal na Sangtatlo.

    “At binautismuhan ni Juan si Jesus.
    Habang nananalangin si Jesus, nabuksan ang langit
    at bumaba sa kanya ang Espiritu Santo sa anyong kalapati.
    Isang tinig mula sa langit ang narinig nila,
    ‘Ikaw ang minamahal kong Anak,
    lubos kitang kinalulugdan’” (Lk. 3:21b-22).

    Ganito dapat mabuhay ang simbahan –

        sa Presensya ng Banal na Sangtatlo;
        sa Kaisahan ng Banal na Sangtatlo.

    Ito ang ating buhay bilang simbahan –

        COMUNIO – UGNAYAN
            na nalalarawan sa Banal na Sangtatlo.

        COMUNIO ang daan tungo sa tunay na Kapayapaan !!!
            COMUNIO ang daan tungo sa tunay na Kalayaan !!!

Sa EDSA, tulad sa Ilog Jordan

    sisimulan ang hayag na buhay at pangangaral
        ng Dakilang Manggagawa..

    Ito ang simula ng tunay na pagbabago –
        Hindi ang tingnan ang kapwa
            na may galit at poot sa puso at isigaw –
       
        “ibagsak ang di makaturang istruktura”;

        Kundi, may kababaang-loob
            at katapatang tingnan ang puso,
                at simulan ang pagbabago sa sarili.

    At kaisa ng Dakilang Manggagawa,
        may Pananampalataya, Pag-asa at Pag-ibig na ipahahayag:

        “Ang Espiritu ng Panginoon ay sumasaakin,
        sapagkat hinrang niya ako
        upang ipangaral sa mahihirap ang Mabuting Balita.
        Isinugo niya ako
        upang ipahayag sa mga bihag na sila ay lalaya,
        at sa mga bulag na silay makakakita.
        Isinugo ako
        upang palayain ang mga inaapi,
        at upang ipahayag na darating na ang panahon
        ng pagliligtas ng Panginoon” (Lk. 4:18-19).

    May magagawa tayo !!!
        Malaki ang magagawa natin tungo sa pagbabago !!!

EDSA, simulan natin ang tunay na pagbabago…
    EDSA, yakapin natin ang tunay na pagbabago…
        EDSA, ipagpatuloy natin ang tunay na pagbabago…

EDSA, hayaan nating dalhin tayo
     ng ating karanasan ng Ilog Jordan
        sa iba’t-ibang bahagi ng Galilea.

    Hanapin natin at paglingkuran
        ang pinaka-aba, ang pinakahuli at ang mga nawawala.

EDSA, Ikaw ay hindi isang lugar lamang…
    Ikaw ay isang karanasan!!!
        Karanasan ng PRESENSYA NG DIYOS;
            Karanasan ng PAGLILIGTAS NG DIYOS;
                Karanasan ng AWA AT MALASAKIT NG DIYOS.

EDSA, kung mananatili kang isang lugar lamang,
    nawa’y hindi lamang sa panulukan ng 
        Epifanio Delos Santos Ave. at Ortigas Ave.,
            kundi sa bawat sulok ng bansa
    at higit sa lahat, sa Puso ng bawat Pilipino
        na naniniwala at nagmamahal sa

                KALAYAAN AT KAPAYAPAAN!!!

O MARIA, AMING INA,
REYNA NG KAPAYAPAAN,
SAMAHAN MO KAMI AT IPANALANGIN
SA AMING PAGLALAKBAY TUNGO SA KAGANAPAN NG BUHAY.
AMEN.



Paglalakbay
By: Rev. Fr. Lari Abaco
August 8, 2015

Share:

0 comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.

Sitemap